Chapter 2: Matigas na ang Tikoy
Dalawang taon na ang nakalilipas simula nung unang sinubukan ni Rody magpakilala kay Mar. Nasundan pa iyon ng maraming kapalpakan sa side ni Rody. Pero sa hinaba-haba ng prusisyon, nagkakilala na rin sila. Hindi pa sila magkasintahan ngayon, pero close na sila at malayang nakalalabas at gala. Parang date, pero hindi. May kaunting sexual tension din pero hindi ipinahahalata sa readers. Pangkiliti lang ng kilig, ika nga.
Kasalukuyang nasa coffee shop si Mar at Rody, busy ang una sa pagbuklat ng magazines na bitbit nilang dalawa. Ang huli naman ay nag iisip pa kung ano ang tamang pronounciation ng "Frappe." Kailangan niyang magmadali, dahil kailangan na nilang umorder.
"Gusto mo ba ng Freyp?" tanong niya kay Mar.
"Ha?" tanong ni Mar. "anong Freyp?"
"Ayan o," turo ni Mar sa picture ng Mocha Frappe.
"Gago, mali naman pronounciation mo," tinuro at ni Marng isa-isa ang mga letters. "F-R-A-P-P-E. Ang tamang pronounciation dyan ay FRA-PI."
Mga ilang minuto ring nagtalo sina Mar at Rody kung ano talaga ang pronunciation ng FRAPPE. Hindi naman sila nagkapikunan, pero nung narealize nila na wala talagang magpapatalo ay nagkasundo na lang sila na umorder ng ibang maiinom.
"EKSPRESO NA LANG," suggest ni Rody.
-------0-------
Habang hinihintay nilang lumamig ng kaunti ang "ekspreso," naisipan ni Rody na itanong kung bakit "Mar" ang palayaw ng kaibigan. Pwede naming "Maria," o kaya ay pwede ring "Mary," na medyo malapit sa MARRY. Hindi marunong mag FLAMES si Rody, pero kung itatry man niya, gusto niya ay MARRY ang lalabas sa pangalan nilang dalawa ni Mar. Ayaw niya ng ANGER. Bad yun. Hindi rin niya matandaan kung ano ang S. Pwedeng Sex, pero wala pa sa isip niya ang sex. Darating din sila dun. Saka Romance lang ang tag ng istorya. Bawal magdiscuss ng tungkol sa Sex lalo na pag masyadong graphic.
Sana naman hindi "Shabu" ang ibig sabihin ng "S," naisip ni Rody. Ayaw niya ng Shabu talaga, dahil nakakasira ito ng buhay ng tao.
"My God, I hate drugs."
"O, saan galling yon?" tanong ni Mar. Hindi pala namalayan ni Rody na nagsasalita siyang mag-isa. Akala niya internal monologue lang, may echo kasi.
"Ah, kako, bakit MAR ang napili mong palayaw. Pwede namang MARY."
"Ay gusto ko talaga Mar, para mas maraming opportunity na magtaka mga tao kung ano ang gender ko."
"Gusto mo ng palagi kang tinatanong kung ano kasarian mo?" napakamot ng ulo si Rody.
"Oo naman," sagot ni Mar habang nakangising aso. "para pwede akong magpabago bago ng sagot, in case gusto kong magbago ng kasarian."
"E ano ba kasarian mo ngayon?" tanong ni Rody.
"Attack Helicopter."
"Ha?"
"I self-identify as Attack Helicopter." Diin ni Mar.
"Di ko gets."
"Attack Helicopter!" inilapit ni Mar ng konti ang mukha sa direksyon ni Rody. "Joke yun."
"Di ko pa rin gets."
"Pramis nakakatawang joke yon. Balang araw maiintindihan mo rin at matatawa ka."
"Kelan naman yon," tanong ni Rody.
"Mga chapter 8 siguro." sagot ni Mar, sabay kindat.
-------0-------
Maaga pa, ni hindi pa nga dumidilim, pero niyaya na ni Rody si Mar na lumabas na ng coffee shop at umuwi. May kasunduan kasi sila ng ate ni Mar, na hindi puwedeng abutin ng gabi sa labas ang kapatid niya. Binigyan pa nga siya ng phone na company phone yata para sa business ng pamilya nila. Kung tutuusin, ginawa na siyang part-time bodyguard ni Mar. Walang problema kay Rody iyon. Nakahanda naman talaga siyang ipagtanggol ang kanyang bestfriend na iniirog sa kahit kanino o kahit ano. Lalo na sa nakamotorbike na mokong na biglang tumigil sa harap nila.
"Uy! Hi Maria!" sabi ng mokong.
"Hi Dick," sagot ni Mar habang kumakaway at sinisipat-sipat ang motorbike na sinasakyan ng mokong. Hindi nakawala sa tingin nila na may extrang helmet sa likod, kulay yellow. "Ihahatid mo ba ko?"
"May dadaanan lang akong client," sabi ni Dick. "pero it will only take me a few minutes, gusto mo balikan kita and ihahatid na kita sa inyo?"
"Joke lang," ginamit na naman ni Mar ang kanyang paboritong sagot sa lahat ng bagay. "obvious naman na may kadate ka kaya ka may dalang extrang helmet."
"No, may dadaanan lang talaga ako. You know I always bring an extra helmet, in case I need a spare or may gusting sumabay" tanggol ni Dick sa sarili.
"Sige na nga," alam din naman ni Mar iyon. Mahilig lang talaga siyang mang-asar. "pero sige na, mauna na kami. Saka di mo ba napansin, may ka-date rin ako?" sabay nguso sa direksyon ni Rody.
"Haha, oo nga." Pailing-iling si Dick habang tumatawa. "Sige bro, ikaw na bahala diyan sa kadate mo ha? Ingatan mo iyan kasi pakakasalan ko pa yan." Nakipagfistbump pa si Dick kay Rody, na nakisakay naman pero nag iimagine na ng iba't-ibang paraan ng pagbalibag sa karibal.
Aminado naman si Rody na kung tutuusin, hindi naman masamang tao si Dick at kung hindi lang halata na may gusto rin ito kay Mar ay gugustuhin niyang maging kaibigan ang binata. Sa totoo lang, kung babae siya ay baka nga maging crush niya pa si Dick. Lahat na ng hahanapin ng babae, makikita kay Dick – mabait, matalino, may magandang trabaho, at hindi man kasing yaman ng pamilya ni Mar ay galing din naman sa angkan na naka-aangat sa buhay. Kung iibahin ang perspective ng istorya ay pwedeng bida si Dick samantalang si Rody naman ay isang madusing na antagonist, yung gumagawa ng karahasan para makuha ang mga gusto sa buhay. Entonses, kung paghaharapin silang dalawa ay wala siyang tsansang manalo. Dasal lang. Dasal lang talaga.
|Andami namang text. Gusto ko video lang ng sumasayaw, parang tiktok. Ibalik mo na ko sa homepage.
|
|